ANG PABORITONG LIBRO NI HUDAS NI BOB ONG

 GENRE: Biography at Humor


II: LAYUNIN 

Layunin nitong maimulat ang mga mambabasa sa tunay na kalagayan at pangyayari sa ating lipunan. Magbigay sagot sa ibang bagay na may kalituhan at pagaanin ang ilang bagay na kung susumahin hindi dapat masyadong siniseryoso.


III: PAKSA

Ito ay tumalakay ng iba’t ibang usapin; buhay ng may akda, ng pangunahing tauhan, at maging mga isyung panlipunan. 


IV: BUOD 

Ang nobelang ito ay nahahati sa mga kabanata kung saan ang bawat kabanata ay tumatalakay ng iba’t ibang kasalanan. Unang tinalakay ay ang inggit o envy na naging natural na sa pag-uugali ng mga tao. Ito ay isa mga katotohanan na may mga taong hindi magiging masaya sa tagumpay na tinatamasa ng iba. Tinalakay din ang galit o anger kung saan ginamit na daluyan ang iba’t ibang klase ng guro. Iba-iba man ang katangiang pisikal at paraan ng pagtuturo isa lang ang kanilang pagkakatulad, sila ay palaging galit at mainit ang ulo. Tampok din dito ang isang estudyanteng palamura at ang kontrobersyal na usapin tungkol sa pagpapakamatay. May hakbang na maaring gawin para sa tama at epektibong pagpapatiwakal na tutulong sa’yong hindi masyadong masaktan at tulungan ang pamilya mong tanggapin kaagad ang pagkawala mo.



Isa pa sa mga tampok na kaugaliang Pilipino ang pagkawala ng pagkakaabalahan ng mga tatay sa bahay kaya buhok ng anak ang napipili nilang pagdiskitahan. Tinalakay ng may akda ang kaniyang mahirap na karanasan na makapaghanap ng maayos na barbero dahil si Mang Ausan na magiting na manggugupit sa kanilang lugar ay abala sa tindahan nito. Kaya naman tila buwan pa bago matapos ang gupit niya. Kaya naman sinubukan niya ang katabi nitong unisex na parlor na hindi niya nagustuhan. Sa katagalan nakahanap naman siya ng tibo na pulido ang gupit. 


Tinalakay din ang pangkaraniwang dilema ng isang normal na mamamayan, ang magtipid dahil sa kahirapan. Pumili ng mumurahing sepilyo wag lang gamitin araw-araw para hindi mahusgahan at pagalitan ng dentista. Masasalamin sa bahahaging ito ang ugali ng mga taong hindi marunong makuntento at lahat ng maaaring magpadali sa buhay ay tatawagin nang “pangangailangan”. Ngunit sa katunayan ang tao ay likas na maluho lang.


Naglalaman din ang nobelang ito ng mga bagay na kung saan ay pwedeng gamitin ng mga kababaihan para sa kanilang sariling kapakanan tulad ng anti-aging soap, bust cream, virginity soap, at radiant skin therapy. Nakapaloob din dito ang mga salitang binuo ni Dr. John Money at matatagpuan sa librong Encyclopedia of Universal Sex Practices ni Brenda Love. Mga bagay na nagpapatunay na malayo-layo pa ang lalakbayin ng mga kaabaihan tungo sa mas ligtas na lipunan pagdating sa pisikal na katangian. Kung saan hindi na kailangan ipagpilitan ang maputing kutis bilang isa sa batayan ng kagandahan.

Binigyan ng bagong kahulugan ng nobelang ito ang kademonyohan. Akala natin sila ay maitim at nakakatakot ang itsura. Ngunit sila ay puti at solid pagginamit na. Sa ating lipunan talamak ang mga puting demonyo (droga) dahil sa kanila, marami ang nabiktima ng rape, pagnanakaw, pagpatay, nasirang pamilya, at pangarap. Kung kaya’t ang demonyo ay wala sa impyerno ito’y nasa lupa na nagmamasid at naghihintay ng mga bagong buhay na sisirain o kung minsan ay nasa loob na natin naghihintay na umalpas at pamayanihan ang katauhan natin.

Hindi rin mawawala ang katamaran, ang pagiging malikhain ng mga tao gaya ng pag-iimbento sa mga bagong kagamitan gaya ng PC, Playstation, Gameboy at Xbox na magpahanggang sa kasalukuyan kung hindi nagagamit ng tama ay sumisira ng buhay lalo ng mga mag-aaral. Sa dulo ng kabanata hinusgahan ng diyos si Roberto na muling bumalik sa lupa upang itama ang kanyang mga pagkakamali.


V: BISA (ISIP, DAMDAMIN)

Epektibo ang nobela sapagkat pumukaw ito hindi lamang ng kuryosidad kung hindi maging ng lalim ng isipan at damdamin. Iminumulat ng akda ang mga mambabasa sa kung ano ang reyalidad ng lipunan at ang kaugalian ng sangkatauhan. Ang mga nakamamatay na kasalanan tulad ng inggit, galit, katamaran at iba na kadalasan ay hindi na natin binibigyang halaga. Hindi na natin nakikita kung paano tayo naaapektuhan nito maging ang mga tao sa paligid natin. Ito ay isang paalala na hindi natin magagawang maging perpekto ngunit makakaya nating tumaliwas sa kung ano ang maglalapit sa atin sa hindi natin ninanais na kahantungan.


Hindi maitatangging ang paraan ng pagkakasulat ng akda ay upang magpatawa at pagiging sarkastiko. Ngunit ito'y kumintal at naglapit sa ating mga puso ng kahalagahan ng pagkakaroon ng moralidad at pagpapakatao. Sapagkat hindi man lahat ngunit maraming mga kasalanan ang ginagamit para tuligsain ang iba ngunit tayo mismo ay ginagawa rin pala. Nakalulungkot din ang reyalidad na may pagkakataon talaga ang mga tao na mas kailangan nating kayanin ang buhay kaysa ang totoong gustuhing mabuhay. Ang mga tanong na walang sagot, ang mga hirap na walang lunas, at ang paghahanap na walang kasiguraduhan. Ang tanong na nabuhay nga lang ba tayo para pahirapan?


VI: MENSAHE

Lahat tayo ay may kahahantungan. Lahat tayo ay may kapasidad at may kakayahang pumili. Ngunit sa huli nawa tayo ay mabuhay hindi lamang para sa ating mga sarili.





VII: TEORYANG PAMPANITIKAN

Teoryang Eksistensyalismo - dahil pangunahing tauhan ay binigyang pagkakataon upang husmusga at mamili kung sino ang kausap niya, papaniwalaan niya ang mga sinasabi nito, at kung sa langit o purgatorya ba ang destinasyon niya.


Teoryang Modernismo - bukod sa pagtalakay ng mga mga makabagong isyu at pangyayari sa lipunan, nakita rin dito ang iba’t ibang makabagong paraan. Halimbawa sa halip na ibigay ang mga paraan paano makaiiwas sa pagpapakamatay, paraan ng pagpapakamatay ang ibinigay. 


Teoryang Naturalismo - nakita sa akdang ito ang katotohanang hindi maiiwasan ng tao ang mamatay. At ang reyalidad ng buhay na mahirap mabuhay lalo na kung wala ka nang makakapitan, maraming mga pangangailangan para magpatuloy sa buhay kaya hindi nakukuntento ang tao, at pagbabago lang ang hindi mapipigilan sa mundo.


Teoryang Marxismo - naglalaman din ang akda ng tunggalian ng mahirap at mayaman lalo na ng mga nasa posisyon ng pamahalaan. Habang sila ay nagpapakalunod sa kaban ng bayan maraming mga Pilipino ang gigipitin ang sarili mairaos lang ang panibagong araw.


Teoryang Siko-Analitiko - tinalakay din dito ang mga naramdaman ng pangunahing tauhan. Mga paghihirap, pagsisi, tanong, at poot sa mga naging karanasan niya sa lupa.


Teoryang Imahismo - maririnig, makikita, maaamoy at matutuwa  ang nagbabasa ng akdang ito dahil detalyado ang kwento. Karamihan din sa mga pangyayari ay totoong nagaganap sa lipunan at karamihan ay danas na ito. Kung kaya’t mas naging madali ang pagkakaugnay ng mga mambabasa sa akda.


Teoryang Moralistiko - nag-iwan ng mga pangyayari at desisyon na maaring panalaminan ng mga mambabasa upang magdesisyon ng tama sa buhay. Sapagkat minsan hindi na natin kailangang maranasan ang isang bagay para lamang tayo matuto.


Teoryang Dekonstruksyon - sa kahulihan ng kwento ay binali ng manunulat ang wakas. Sa halip na mapunta sa langit o purgatorya muli siyang bumalik sa lupa.




VIII: REAKSYON

Nakakatuwa at nakakalungkot. Sapagkat ito ay isa sa mga akdang tunay na nakaugnay ako. Maraming mga pangyayari ang naranasan ko na rin, maraming mga tanong na tinatanong ko rin, at maraming kasalanan ang nagawa ko na rin. Ngunit ang tunay na tumimo sa akin ay kung sino ang nga ba gumagawa ng paghihirap natin? Nakakalungkot na marami ang nagnanais na wakasan na lang ang buhay dahil sa hirap na dinaranas. Mga tanong na wala na ngang kasagutan kailangan pang husgahan. Nawa marating natin ang punto ng ating buhay na hindi na magiging sagot ang pagpapatiwakal para lamang maibsan ang hirap at pighati na ating dinaramdam. At masolusyunan ang mga problemang hindi natin masabi sa iba dahil alam nating panghuhusga lang ang maibibigay nila.


Comments